Friday, July 18, 2008

Existential Crisis Day 12: Nearing Graduation. A Restart and view in freedom

This is actually a delayed post. E-edit ko pa para directly after siya ng existential crisis: LB

~~~~~~~~~~~~


"Hanggang napagod tayong umikot kung saan saan na rin pala tayong umabot. Ang gusto lang natin malaman mayroon pa ba tayong ibang mapupuntahan~"
Pasyal - Sugarfree

At ito ako ngayon, existential crisis day 12, nag-iisip kung saan pupunta, saang ibayo ang magbubukas ng kanyang pantalan o laot ng buhay kung saan pwede tayong dumako at pumunta upang umusad o magpahinga. Naisip ko tuloy ang mga adventures and misadventures ko sa Los Banos, ang mga kasawian, unting pagwawagi sa laban at ang pagtatapos ng digmaan sa unibersidad na alam ko sa loob ko, di lubos ang aking pagkapanalo at tanging nabuhay lamang ako, ika nga nagsurvive lang. At kung pamilyar kayo sa kanta na Pasyal ng Sugarfree, mapapansin niyo ang dulo ng kanta, walang patutunguhan, tapos, wala ng next episode. Parang sa lahat ng paghihirap mo, ipit ka pa rin sa buhay mo. Walang nagbago, hindi ka umusad at hindi mo nakamit ang kalayaan mong inaasam. Di ko alam pero, habang sa panahon na malapit na ang pagtatapos, nararamdaman kong dahan dahang kong inuukit ang magigi kong landas na hindi ko na matatakasan, na parang ako mismo ang gumagawa ng aking magiging kulungan. Nakakatawang isipin di ba? Binuhos mo ang apat na taon at kung sa lagay ko, magbubuhos ka ulit ng 5 hanggang 10 taon ng oras mo upang maging malaya ka. Malaya sa kahirapan, sa puder ng magulang, sa maraming mga bagay na bumabagabag sa iyo. Pero ngayon ko lamang napansin, hindi ako magiging tunay na malaya. Siguradong maiipit din ako sa aking buhay na gagawin. At ang ilang bahagi ng akong sarili ay maglalaho at tanging magiging alaala na lamang. Guni-guni na sigurado din akong malilimutan ng mga tao sa aking paligid at ang tanging babakat na lamang sa kanilang isipan ay ang "ako" na nagbago. Siguro, may ilang taong makakapansin ng aking pagbabago ngunit huli na para ako ay sunduin at magbago sa ginawa kong landas na siyang papatay sa akin at hindi na ako mababalik ng mga taong makakapansin ng aking pagbabago. Pero sabi nga nila ang kamatayan ay isang pagbabago, isa lamang mukha ng isang barya at ang kabila noon ay ang pagkabuhay, na isa ring pagbabago. Pero, sapat ba ang magiging pagbabago? Di ko rin alam dahil simula noong day one ng existential crisis ko, andoon na ako sa gitna ng barya. Tinitignan ang buhay ko sa iba't ibang punto, ang pagkamatay at muling pagbuhay ng panibagong "ako", pero di tulad ng dati na kahit pa paano nalalaman ko o nakikita ko ang magiging resulta, hindi ko makita ang pagkabuhay. Di ko maaninag ang magiging kinabukasan. Naisip ko tuloy, kung alam kaya ni Lucifer na ang kanyang paghihimagsik ay magbubunga lang sa pagkatalo, na ang kanyang paghangad ng kalayaan mula sa Lumikha ay mababale wala itutuloy niya pa kaya ang digmaan? Kung nalaman niya na di siya magiging malaya sa lumikha dahil naging anino lamang siya nito at nasa ilalim pa rin siya ng kapangyarihan ng Lumikha papayag pa kaya siyang maging panginoon ng impyerno? Di ko rin alam, dahil di rin nga naman ako si Lucifer pero ako kaya, papayag ba akong makulong sa magiging bagong ako? Kung nakita niya ang kabilang mukha ng barya, mula sa liwanag patungo sa kadiliman magbabago pa kaya siya? Naisip ko din, masyado ba akong nabubulag sa liwanag sa aking paligid na hindi ko makita ang kadiliman kong pupuntahan? Di ko rin talaga alam.
Ngayong andito na ako sa pagtalon patungo sa di kasiguraduhan, naiisip ko, ano ang mamatay sa aking sarili upang mabuo ang susunod na ako? Anong lumang parte ng aking pagkatao ang magiging sakripisyo upang umusad ako patungo sa kalayaan o sa lalong pagkabilanggo ng aking mga desisyon sa buhay? Sana malaman ko, dahil siguro it na yung punto ng buhay ko na sigurado ako ay magbabago, ngunit di ko alam kung saang pagbabago ako pupunta. Gagawa ba akong paraan upang malaman at ihinto ang pagbabago o hayaan na lamang ito na baguhin ako ngunit dahan-dahan pa ring lumaban upang di mawala ang sarili ko sa pagbabago. Na manatili sa akin ang mga bagay na pinapahalagahan ko? Di ko pa rin alam. Pero sana.
Sana kung ano man ang pagbabago na magaganap, manatili pa rin akong "ako". Ako na siyang kilala ko at kilala ng mga tao sa aking paligid. Na kung ano man ang mangyari, tutulungan nila akong maging ako pa rin ako. Na sana, ang tatahakin ko ay magbibigay na kalayaan at hindi ang pagputol ng aking mga pakpak upang lumipad ng malaya.



~~~~~~~~~~~~~~

Coming up next. MED LIFE. COMING AND GOINGS. The ethereal smell of lemon and formalin.

No comments: