Kapitolo 1: Patay sinding Ilaw
Mga patay sinding bituin.... Bituin binubuhay ng milyong milyong mga partikulo ng hangin na pinapagalaw ng kuryente na ummikot sa isang silindrikong tubo ng salamin. Patay sindi sila, sa binabaybay kong kalsada ng magulong gubat na tawagin nila ay Quezon City.
Patay sinding mga artipisyal na bituin. Ito pa rin ang nakikita ko sa kalsada kong binabaybay. At sa sinag ng mga bituing ito, nakikita ang kabataan na natutulog, nangangalakal sa kalsada. Mga batang tulad ng bituing patay sindi, dahan dahang nawawala ang pag asang kuminang ng mas maliwanag. At ang tanging matitira na lamang ay ang kadiliman at pagtapon ng lipunan sa isang madilim na tabi...
Patay sinding mga bituin... Tuloy pa rin ang pagbaybay ko sa kalsadang patay sindi ang liwanag... Ngunit sa ilalim nito ay di mga bata, kung di mga kababaihan na pinupuhuanan ang kanilang kabataan para kumita ng pera. Inaalok ang kanilang kagandahan, kabataan para sa katas na nagpapatakbo ng mundo: pera. At ang kabataan at kagandahan ay parang isang kisap matang nawawala sa ilalim ng mga patay sinding ilaw. Tila ba ilusyon na dala ng liwanag at dilim, na mabilis nagpapalit bawat pintig ng ilaw.
At sa pag dating ko sa aking lumang kwarto, na tuloy ang liwanag. Nakikita ko ang kinabukasan na sanay makamit ng lahat ng tao, maliwanag, tuloy tuloy... Pero, naisip ko na tila bang nasa isang imitasyong liwanag lamang ako, kung saan kulang pa din ang liwanag, kulang ang maabot para maikalat sa iba; at limitado ang lugar kong ginagalawan.
At pag higa ko, naisip ko ang bukas, ang unang patak ng higanteng bituin na umiilaw sa buong kalangitan. At bukas, may liwanag pala na magpapakita ng kalangitan at ang kalayaan na dala nito.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~`
Maikling sanaysay Mula sa Quezon City
Monday, May 16, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment