My glass of creative juice was spilled and viola it produced this! A collection of short stories that I've wrote during the rainy season. Well actually, I just found out that this collection of short stories is considered published and I can't submit it to any publishers or for the UP Centennial collection. Well anyways, its been a long time since I have created short stories especially in Filipino though originally I first wrote articles and stories in Filipino. The writing style will be a wee bit different so I would like to have recieve any comments on writing styles and if the topic or plot, if in a sense, good or unique. Though I already know that in story/chapter two the plot is already a cliche, I did it anyway because I like the 1960s setting and the depiction of a seat being empty. So any comments would be appreciated! Thanks!
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
La Niña: Mga Maikling Kwento sa ilalim ng imbentong araw, sa patuloy na pagragasa ng ulan
Koleksyon ng mga maikling kwento at sanaysay ni
Michael Christopher B. Alianza
Chapter 1: Mga salaming, di pinapasukan ng liwanag
Nakahandusay na naman si Teta sa bahay ng isang taong ngayon niya lang nakilala. Nakatingin sa maliwanag na ilaw ng kisame na hinde niya rin kilala. Nakakabulag ang sinag ng purong liwanag mula tubo ng salamin na pinapadalayuan ng kuryente na puno ng iba't ibang uri ng hangin. Tumingin siya sa kaliwa, sa kanyang relos na wala na sa kanyang pulso. Mag-aala sais na, ngunit ang liwanag ng araw ay hindi pa bumabangon mula sa kanyang hantungan. Tumingin siya sa kanan at tanging mga katawang karne lang ang kanyang nakikita na ubos lakas kagabi niyang nakasalo sa kanilang pagliligaya. Ala sais na, kailangan ng bumangon sa kandungan ng malamig na sahig, kung saan nakahiga ang mga kasama niyang katawang karne. Nagsimula na siyang magbihis ng may nagising at nagsabi "Aalis ka na agad?" ang batid sa kanyang na tila wala pa sa tamang kamalayan, " Ano ang iyong number?" Napatingin si Teta sa taong di man lang niya alam ang pangalan, ang napangiti "Ay di ko saulado eh, at lowbatt na ang aking cell." batig niya na malumananay at dahan dahang siyang nagbihis para umuwi sa kanilang bahay at pumasok sa klase.
Nasa ilalim na naman siya ng isang kisame na hindi niya kilala. Pinaliliwanag naman ito ng apat ng bumbilya na kung saan ang isa ay dahan-dahan ng nauubusan ng lakas para lumiwanag ng sapat. Doon sa ilalim nitong bumbilyang ito umupo si Teta, katabi ang isang babaeng nakatingin sa bintanang de kurtina at nagpapalamig sa tapat ng artipisyal na atmospera na dulot ng pagpapadaan ng isang likwidong humihigop ng init sa kwarto na nilalabas sa kabilang pisngi ng pader bilang mainit ng hangin. Napatingin siya sa babae. Di siya kagandahan ngunit ang kanyang mga mata ay mapungay, nakaka-akit ngunit, pagtinignan ng malalim, ito ay basa at puno ng matinding kalungkutan. Pumasok ang kanilang propesora, at nagsimula ng mag-abot ng kanilang mga nakaraang pagsusulit. "Pasado lang na naman", tinignan niya ang papel at nagbuntong hininga, "Buti ng pasa kaysa bagsak" bati sa kanyang ng babaeng kanyang katabi ng may ngiti na hindi mo aakalain sa isang taong di man lang niyang nakausap ng halos buong semestre. "Ha?! Oo nga, buti na ngang ganoon". Nagulat siya ng marinig ang boses na naririnig niya lamang tuwing pag naghahanap ng mga estudyante ang kanilang propesora. "Eh ano ba naman ang nakuha mo?" sabi ni Teta. "Eh bagsak! Di naman kasi ako nakapag-aral. Pero salamat sa Diyos pasado pa rin ang standing ko", sagot ng dalagang may mapupungay na mata. Napatahimik si Teta at di malaman ang kanyang gagawin, biglang nagparinig ang kanilang propesora "CLASS, THIS IS A SCIENCE COURSE! NOT A PLACE OF SOCIAL INTERACTION ESPECIALLY DURING MY LECTURES". Naka-agpas siya sa suliranin ng anong susunod na gagawin, dahil ang susunod na dapat gawin ay makinig sa kanilang matandang masungit na propesora sa ilalim ng puting liwanag na binabahiran ng kadiliman. Ngunit, "Maam, isn't a classroom and your lecture a form of social interaction especially between an educator and his/her student and his/her fellow students? I beg to differ maam especially since education itself is a social interaction of a society wishing to indoctrinate the young of its norms and ethics." sagot ng kanyang katabing dalagita na kanikanina lang niya naka-usap. Napangiti siya at dahan-dahang nagsitawanan ang mga estudyante, at ang matandang masungit na propesora ay napangiti ay nakisama na sa tawanan. "Miss you are right. Class your dismissed after this lecture. This is a first after a few years of silence among the students. You may go." At ang parang dayuhang silid aralan ay nabigyan ng kulay sa pagtatapos ng semestre, mula sa isang madilim na sulok ng naghihingalong bumbilya. At kinausap muli siya nito "Kinabahan ako doon. Buti na lang di ako pinatulan ni maam. Uy! Kamusta ka naman, parang ikaw ang sumagot kay maam, ang putla-putla mo." Napailing siya at sinabi "Di ganito lang talaga ang kulay ko. At ikaw kaya itong maputla ang kulay. Sabagay sino nga naman ang di mamumutla, sinagot mo ba naman ang isang PhD at ikaw pa ang nanalo." ang bawi ni Teta sa babaeng ngayon ay tinititigan niya na. Napansin din niya ang maselan nitong kaanyuan na binabago ng maong at kupas na t-shirt. "Sabagay, pero ang nakaraan ay nakaraan na. Samahan mo na lang akong kumain. Ay nakalimutan ko, ako nga pala si _______, sino nga naman ang sasama sa taong di niya man lang alam ang pangalan di ba?". Natamaan si Teta, ngunit yun nga naman ang totoo, di na niya kailangan ng mga pangalan, basta't kumulo ang kanyang tiyan kailangan niya itong lamnan, kahit ano pa man ang mga ito, laman tiyan nga naman. Binati siya muli nito "Ano ba sasamahan mo ba ako" Wala ng nagawa si Teta kung hindi sumang-ayon sa babaeng may mapungay na mata.
Hinahapo na si Teta sa pagsunod kay _______. Mula sa pagkain nila ay niyakag siya nitong umikot sa unibersidad, tignan ang mga nagbago pagkalipas ng isang taon mula ng tumama ang Milenyo. Hingal niyang sinabi "Dito muna tayo sa mga upuan sa tapat ng SU". At doon rin sila umupo sa ilalim ng malaking puno ng acacia na yaong namumulaklak at nagsasabog ng halimuyak sa paligid. Napatingin muli si Teta sa mga mapupungay na mata ni _______, na siyang sinasabayan ng ngiti sa kanyang maputlang mukha na tila nagsasabog ng liwanag sa kanyang napliligiran. At bigla siyang kinausap nito, habang nakatingin sa malalaking ulap na bumabaybay sa mga burol ng makiling "Ang gandang tignan ng mga ulap no? Ang kanilang iba't ibang anyo na dumadaan sa himpapawid, dala ang kanilang mga luha na nagbibigay buhay sa lupa nilang binabaybay. Nakakatawa di ba? Pero kahit umuulan ng malakas, tuwing umaga, pinapadaan pa rin ng ulap ang unting sikat ng araw di ba? Na siyang nagsasabi sa atin na kulay luntian pa rin ang damo at pula ang mga rosas sa ating paligid?” Napatahimik si Teta sa kanyang kinalalagyan, di malaman ang patutunguhan ng sinasabi ni _______ na siyang nagpatuloy "Parang ang tao, na kahit puno na ng kalungkutan ang kanyang puso, pumapasok pa rin ang liwanag sa kanyang mga matang puno ng luha. Ngunit, bakit ang iyong mata, tila bang wala ng pwedeng pumasok na liwanag? Naiintindihan ko ang ating mga kamag-aral na parang mga panis na isda ang kanilang mga mata, wala ng pakialam sa mundo nilang kinagagalawan. Puno na ng bulok na pag-iisip, pero iba ka, ikaw lang ang taong ubod ang lalalim ng kalungkutan na ni liwanag walang ng pwedeng paglugaran sa iyong mga mata o puso man lang. Di ko alam kung bakit, pero pag nakikita ko ang iyong mga mata iba ang napapaisip ako.” Tumahimik ang kapaligiran at ang tunog sa pagitan ng dalawa ay nawala at tanging kulog lamang ang natira. Napatingin na din sa itaas si Teta, kasabay ang kislap ng liwanag ng kidlat na nagpapahiwatig sa nagbabadyang ulan. Ngayon lang siya nakakita ng isang kisame na lubos niyang kilala, ang madilim at dahan dahang pagpatak ng ulan sa kanyang mukha mula sa kalangitang madlim. At sinabi niya "Totoo, marahil wala na talagang papasukan ang liwanag sa aking mga mata. At ngayon ko lang na-isip, ang totoong kagandahan ng iyong mga mata. Mga matang bukod ang lungkot, matang sinisinagan ng liwanag na siyang nagpapakinang nito parang mga sinag ng araw sa dumadaloy na tubig. Nung una kala ko, ikaw ang kawawa, sa mga mata mong malungkot, ngayon ko lang nalaman ako pala ang taong pinalulumayanan ang loob. Tara umuwi na tayo, baka mabasa pa tayo ng ulan". Ang malumanay na sabi ni Teta kay _____ na sinambitan siya, "sabihin mo na lang ayaw mong makitang umiiyak ka.” nagtawanan na ang dalawa.
Umuwi si Teta sa isang pamilyar na kisame na tinignan niya ng matagal hanggang siya ay makatulog. At napanginipan niya ang dalagang may mapungay na mata nung gabing yun, na walang bakas ng kalungkutan sa kanyang mga mata. Nakita niya itong nakangiti sa kanya at siya ay biglang paggising. Pumasok siya ulit sa silid aralan na pinagmulan ng lahat, alam niyang may oras pa para lalo niyang makilala ang isa't isa kahit patapos na siya at ang semestre. Pumasok siya ng maaga, hinihintay ang propesorang dating masungit, kasabay ng paghihintay niya kay ____ sa parehas na pwesto ng kadiliman sa ilalim ng naghihingalong bumbilya. Pumasok ang propesora, malungkot ang mukha at nagtutyo ng mga luha, at sinabi niya "Class, I'm sorry to inform you that __ passed away this morning due to..." di na niya gustong marinig ang mga detalye at pilit niyang pinipigilan ang pagdaloy ng ulan mula sa kanyang mga mata, ng sabi ng propesora "She would like to extend her thanks to her beloved friend Teta, who shared the with me the last happy moments in my life. Anyways, do anyone here know a person named Teta?..." at sa mga salitang yon, dumaloy na ang mga sinag ng liwanag sa mga matang umuulan sa ilalim ng nag-aagaw buhay na bumbilya.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~``
Chapter 2: Ang nakabinbin na imbetisasyon
Puno na ng usok ang tanghalan, usok mula sa mga tabaco at sigarilyo ng mga kabataan at matatanda. Malumanay na rin ang ilaw, kung saan makikita ang mga taong nagsasayaw na parang walang kinabukasan. Sabay sa tugtog ng sweet, ang mga kapareha ay dahan dahang nagiging isa. Andito ako ngayon sa pangalawang araw ng sawayan, nag-iisa sa kadiliman, katabi ang isang upuang may dalawang rosas, nag-iisa.
Nagsimula ang lahat ng gabing nagdaan, kung saan ako ay inayayahan ng aking kaibigang makipagsayaw at samahan siya sa tanghalan ng bayan, upang siya ay makalapit sa babeng iniirog niya. Libre niya ang bayarin, pati ang pagkain, sino nga naman ang makakatanggi kung wala ka rin namang ibang gagawin? At sa sulok ng malapit sa pagkain at inumin nung gabing iyon doon kami naupo at naghintay na simulan ang sayawan. Nagsabi siya sa akin "Pare, wag kang aalis diyan ha? Pupuntahan ko lang si Ronna sa kabilang mesa, yayain ko na bago pa ako maunahan" sabay inom niya ng isang basong alak at tumayo na may nangingig na binti at sinabi muli "pare hintayin mo lang ako", sabay dahan dahang siyang lumakad palayo, di alam ang gagawin. At sa kadilimang iyon, ako ay napatingin sa isang babaeng lubos ang kagandahan, tabi ng mga babaeng malakrema ang balat sa puti, siya ay bukod tangi dahil sa taglay niyang kulay, siya ay morena. Nakasuot siya ng kulay itim na damit na nagpapakita ng kanyang payat at maselang balikat, kung saan nakapatong ang kanyang makintab at mahabang buhok. Nakakaaliw siyang tignan, mula sa malayo, ang makulit niyang pag-uudyok sa mga kasmang niya na magsayaw at humanap ng kapareha, at ang kanyang mga ngiti na lubos at walang bahid na pagkukunwari. Napainom na lang ako ng tubig, dahil sa pagkatuyo ng aking lalamunan sa pagkakatingin sa dalagang malayo ang tingin sa akin. Kumain na ako at sumubok iwasang mapahimlay pa ang aking tingin sa babaeng di ko man lang kilala. Kumuha na lang ulit ako ng pagkaing iniaalok sa tanghalan.
"Pare! Ano kamusta naman ang pagkain mo dyan, mauubos mo na ata ang handa dito." Bati sa akin ng aking kaibigan kasama ang isang babang maputi at nakadilaw ng damit, na siya namang kumikinang pag tinatamaan ng liwanag. "Pare, ito nga pala si Ronna, at ito naman si Nina. Wala kasing makakasama si Nina sa kanilang mesa, at alam ko namang wala ka namang ibang gagawin kundi kumain." Napatingin ako sa babaeng kanina ko pang pinagmasmasdan sa malayo, alam na hindi man lang ako bibigyan ng pagkakataong makilala ang diyosang bumababa sa langit na may gintong balat, ngunit andito na siya sa aking tapat taglay ang mga ngiti na tinatangi sa malayo. "O pare, bahala ka na ha? Magsasway muna kami." Sabay alis naman ng aking kaibigan patungo sa dagat ng mga magkakapareha. Lumunok ako ng malalim, nag-ipon ng lakas ng loob at sinabi "Ako nga pala si Miguel. Patawad at hindi ako nagpakilala agad sa iyo". "Wala yon kanina ka pa ngang kinukwento sa amin ng iyong kaibigan. Nakakatawa ka daw dahil ang kuripot mo daw na tao. At ang mga kasayahan niyong dalawa sa kolehiyo nakakatawang marinig." Pangiti niyang kinukwento sa akin. Lumunok na lamang ako at napangiti, di malaman ang gagawin, di lubos maisip ang susunod na sasabihin, at nasabi ko na lang "Ang sarap naman nitong..." ngunit di ko alam ang pangalan ng kulay puting spaghetti na iba ang halo at sangkap. "Carbonara, kakaturo lang sa aking lutuin nyan. Masarap di ba? Hilig kong magluto ng mga pasta" pagtuloy niya sa aking mga naudlot na salita. "Ahh oo nga carbonara yan, mahilig ka bang magluto? Mayroon din akong unting alam." Biglang pahabol ko upang hindi mapahiya na di man lang nag-iisip. At napangiti siya "Oo mahilig akong magluto, bihira ngayon ang lalaking may amor sa pagluluto". Napatahimik na ako, ngumiti at nagsabi "Di naman, marunong din naman yung kaibigan ko, gusto mong turuan kita?" Napatawa siya at binanggit sa pagitan ng mga tawa "Di na kailangan, marunong naman akong magluto, gusto ko lang matutunan ang mga katulad nitong mga pang putahe" tuloy ang pagtawa niya sa aking alok. Doon ko lalong napansin ang mga ngiti, ang boses, at kanyang masayahing ugali. "Tara, magsayaw din tayo, para bumaba ang kinain natin" wari niyang sinabi na may ngiti at paglambing. Nagulat na lang ako at sumunod sa pagyakad niya patungo sa gitna ng ilog ng mga taong sumasabay sa alon ng awitin. "Dito mo ilagay ang iyong mga kamay" patawa niyang sinabi habang inaayon sa tamang posisyon ang aking mga kamay na nawalan na ng tamang malay dahil sa pagkataranta. Natorete na talaga akong lalaking sanay sa mga sayawan sa kolehiyo, ang lalaking di natitinag ng mga mapuputing binibini na ang kagandahan ay nasa balat lamang. "Nakakatawa ka talaga. Para kang di marunong, pero ikaw na siyang gumagabay sa mga hakbang natin", ang bati sa akin ni Nina ng bumalik na ng unti kong tapang at ng itama ko ang aking tindig. Ngumiti na lang ako sa kanya, di pa rin alam ang dapat sabihin sa dilag kong kaharap. "Babalik ka ba bukas sa pangalawang araw ng sayawan?" bigla ko na lang inihabol. "Di ko alam pero sana ang gabing ito ay di na lang din matapos. Di ko alam kung bakit pero mabilis naging malapit ang loob ko sayo. Nakakatawa di ba?" sabay ngiti niya sa akin. At ng buong gabing yon, di kami umupo sa mga aming mga silya at nagsayaw hanggang sa huling awit. "Babalik ka ba bukas?" ang pagtanong ko ulit ka Nina habang patapos na ang huling kanta. Ngumiti na lang siya, ngunit at kanyang mga mata ay puno ng kalungkutan at, "Nina, tara na ang mga sundo natin ay andito na" bati ni Ronna sa aking kapareha, kasama ang aking kaibigan na nakangiti at masayang masaya sa nangyari sa gabing iyon, at bago kami naghiwalay, "Maghintay ka sa ikalawang araw ng sawayan at.." mga huling salita niya bago siya lumakad palayo kasbay ang kanyang mga sundo. Umalis na lamang siya, taglay ang malungkot na ngiting na nagliliyab na umukit sa aking isipan. "Pare, sasama ka ba ulit a akin bukas?" Tanong sa akin ng aking kaibigan, at sumagot ako habang sumusunod ang panignin ko kay Nina "Oo pare, sasama ako sa iyo bukas” habang hawak ang dalawang rosas na siyang tanging naiwan sa aking mga palad.
Andito ako ngayon sa pangalawang araw ng sayawan. Nakapagtapos na ako ng medisina ngunit di pa rin nagbabalik si Nina. Nagpakasal na rin sina Ronna at ang aking kaibigan limang taon ng nakakalipas. Nagiisa pa rin ako sa pangalawang araw ng sayawan, naghihintay, nag-aabang sa pagbabalik niya, dala ang dalawang rosas na pula na tulad ng iniwan niya sa aking palad, na yaring nakalagay sa parehas na pwesto ng aming inupuan ng gabing yaon, tabi ng mesa ng pagkain malapit sa carbonara. Masarap pa rin ang carbonara tulad ng dati, malinamnam at bukod tangi. Andito pa rin ako ngayon sa ikalwang araw ng sayawan, naghihintay, umaasa.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
Chapter 3: (?)
Umuulan na naman, sa bawat araw na lang na ginawa ng Diyos, tuwing wala akong payong, naulan. Di naman ako galit sa ulan pero nakakainis lang talagang isipin pag umuulan, wala akong payong. Payong, oo payong na siyang madadampot mo sa mga lecture hall pag may nakaiwan o pag bumili ka ng tig iisang daan sa coop. Yung payong na makukulay, yung staright, yung folding, yung automatic. Yang payong na siyang palagi kong naiiwan sa bahay namin pag umuulan. May payong ako, di ko lang dala.
Eh ano ngayon? Gusto ko ang ulan. Lalo na kung ako ay malungkot. Ang ulan na yan ang naglilinis ng aking pagkamuhi sa sangkatauhan, yang ulan din yan ang nagpapakalma sa akin pag ako ay naghihimutok sa mga taong walang pangkungdangan na yumayapak sa mga taong paligid nila, na para bang mga tae lang sila. Di ko alam kung bakit pero gusto ko ang ulan. Ang malamig ngunit malumanay nitong hangin, ang mga patak ng tubig na dala nito, ang pagdadala nito ng buhay sa mga namamatay na halaman. Dito ko na siguro nahiligan ang ulan sa Los Banos, siguro dahil madalas ang pag-ulan dito, lalo na pagmalungkot ako, para bang sumasang-ayon ang mga kalangitan sa aking mga hinanakit at nagdadala ng kanilang pakikiramay sa taong minsan, kadalasang kapos palad sa kolehiyo.
Anong naiyak? Di ako naiyak no?! Lalo ng di ako sumasabay umiyak sa pagbuhos ng ulan, dahil ang pag-ulan ay ang siyang pag-iyak ng kalangitan para sa mga taong naubusan na ng luha. Kaya ano ngayon kung umiiyak ang langit para sa akin? Inggit ka? Siya umiyak ka na rin. Sabay sabay na lang tayong magpatulo ng tubig sa tuyong lupang naghihintay ng ligaya.
Oo aaminin ko, naiyak nga ako sa ulan. Dito lang siguro nawawala at nalilinis ang aking sarili mula sa pagkamuhi ko sa pag-ibig. Oo, bitter ako kung bitter. Masyado lang talaga akong umasa sa mga bagay-bagay na hindi ko pinanghahawakan. Nakakatawa ngunit tuwing naulan lang, dito ko naiisip na ang tao ay sadyang nilikhang malaya, may sariling pag-iisip at di madidiktahan ng kung anong gagawin nila. Kaya siguro bumitaw ako, di ko kayang diktahan ng dapat kong gawin, di ko kayang isakripisyo kung ano talaga ako, ang pagkatao ko, kung SINO talaga ako. Di ko kayang bitawan ang mga prinsipyo ko sa buhay, kung ano ang mas mahalaga para sa akin at ang paniniwala na ang pag-ibig ay di lang pagdidikta ng mga bagay-bagay sa minamahal mo. Di ako robot na kailangan pang iprogram para gawin at sumang-ayon sa gusto mo. Kaya ka nga umibig sa akin dahil kung ano at sino talaga ako di ba? Di dahil sa pwede mo akong ihugis sa kung ano talagang gusto mo. Malamang di niya malalaman kung ano man ang nagawa niya, pero masaya na rin ako dahil may nakita na siyang ibang magiging lalaki sa buhay niya. Kawawang lalaki. Oo na, bitter ako BITTER!.
Hay, ang sarap talagang mabasa ng ulan, kahit malamig, alam mo kung saan nanggagaling di tulad ng kalungkkutan, di mo magagamot sa pamamagitan ng pagpatong ng kumot sa iyong katawan o paglublob sa mainit na tubig upang mapawi ang lungkot sa iyong puso at isipan. Kaya mas masarap lamigin sa ulan, puro, totoo at ulan lang talaga ang gumawa sa iyo. Ngunit parehas din nga naman ang dalawa, ang pinaka simpleng sulosyon kalamigan, desisyon mo kung gusto mong lamigin ng kalungkutan at ng ulan, bahala ka kung gusto mo ng umusad o magpa-init na ng katawan. Nakakatawa pero isa lang talaga ang solusyon sa problema. Atsaka ano ba paki mo kung gusto kong magpalamig sa ulan? Sabi nga nila “idiots don't feel cold". Eh ano ngayon kung malamig na? Di naman ako nilalamig.
Maganda rin naman ang kadiliman na dala ng ulan di ba? Di mo makikita ang mga mukha ng mga taong nadaan sa harapan mo, o ang ingay nila sapagkat nawawala ito sa pagbuhos ng ulan. Di ba ang ganda noon? Nahuhugasan ng ulan ang mga mapagkunyaring anyo ng mga taong nababasa nito, nakikita mo ang tunay na kagandahan ng tao, nadarama mo ang kanilang totoong puso mula sa lamig na dulot ng ulan. Ayos di ba? Ulan lang ang nakakapagdala ng tunay na liwanag na mula sa araw dahil kung wala talagang liwanag sa araw, wala tayong makikita kahit naulan dahil ganap ang kadiliman di ba? Kaya ang ganda talaga pag naulan.
Higit sa lahat pagtapos ng ulan, may purong liwanag mula sa araw, may bagong pag-asa. Makikita mo ang binagong mundo ng ulan, ang kagandahan dulot ng mga patak ng tubig sa kapaligiran at ang buhay na ipinagkakaloob nito. Nakakatawa di ba? Sa isang taong nabubuhay sa kadiliman ng ulan, siya ay naghahangad lang pala ng liwanag pagkatapos nito, di ba nakakatawa?
O ayan, bumili na ako ng payong, nilalamig ka na. Wag mo na akong alukin nyan sabi nga sayo idiots don't feel cold, they only feel warmth.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
Chapter 4. Lilipad, lilipad! TAKUREEEEEE!!!!!!!!
"Time-space warp ngayon din!" Ilan lang yan sa mga gustong gawin ng mga estudyante pag may nalilimutang gawin. Ang bumalik sa nakaraan at itama ang mga mali o gawin ang mga dapat gawin nung sila ay may oras, bago pa nila nalimutan ang mga bagay na ito. Di ba ayos kung may ganitong abilidad ang mga tao? Matatama natin ang mga mali natin na para bang walang nangyari sa kasalukuyan?
Imagine
Paano kaya kung bumalik sa nakaraan si Emilio Aguinaldo para sabihin sa kanyang past self na tulungan niya si Bonifacio upang malusob na at tuluyan ng masakop ang Maynila at maagaw ito mula sa mga Kastilla, masasakop pa kaya tao ng mga Amerikano? Ng mga Hapon? O kaya ipahuli agad ang mga magiging diktator ng mundo tulad nila Saddam at Polpot, at mga iba pa; marami ba kayang mga taong maliligtas mula sa kapahamakan na dulot ng mga taong ito? Kung sa Pilipinas naman, masasabi mo ba kay Marcos na huwag niya ng pakasalan si Imelda at makipagtulungan na lang kay Ninoy upang lalong umunlad ang ating bansa? Di ba ayos talaga kung may ganitong abilidad ang mga tao? Pero kung iisipin, kung babaguhin natin ang nakaraan, tulad ng di pagsakop ng Amerikano sa ating bansa, may University of the Philippines bang matatatag? Kung ganoon, mawawala din ang mga produkto nito tulad nila Marcos, Ninoy at marami pang ibang mga taong tumulong (?) sa bansa natin? O kaya kung hindi naganap ang World war II? Maiimbento kaya agad ang paggamit ng nuclear energy at si Einstein din ba kaya ang magpapatunay na E=mc2? Unti lang yan sa mga pwedeng di mangyari kung itinama natin ang mga mali nga kahapon, o kaya kung makiki-alam tayo sa mga nagdaang at tapos ng mga pangyayari.
Reality mode ulit
Kung iisipin natin, ang mga tao noon ay gumawa ng paraan upang mapagbuti nila ang kanilang mga katayuan sa buhay. Ipinagtanggol nila ang kanilang mga prinsipyo, kapalit man nito ang buhay o masamang pagtingin sa kanila ng susunod na henerasyon. Ika nga ng isa kong libro kong nabasa "let history be the judge if I was right or wrong. But let this be known, that I was only defending my beliefs and ideals" at idugtong pa natin ang isang linya sa isa pang libro "ideals are bulleproof". Gandang pakinggan di ba? "Let history be the judge if I was wrong or right. But let this be known, that I was only defending my beliefs and ideals. And these ideals are bulletproof". Pero dahil sa mga salitang yan halos libo-libong mga taong inosente ang nadadamay dahil sa mga paniniwala ng iisang tao o grupo ng taong nagpupunyagi na patunayan sa mundo na tama siya/sila. Di natin sila masisisi, dahil di nila makita ang kinabukasan, o may kung may makita man sila, maliliit na butil lamang ng ito ng mga pwedeng mangyari. Kaya mahirap itama ang nakaraan, pero marami tayong magagawa sa kasalukuyan. Pwede nating itama ang mga mali na ngayong nangyayari sa kasalukuyan. O kaya maging produktibo sa panahon na kaya pa natin. Ayos di ba? Mas ayos isipin na nagawa na natin ang pwede nating gawin kaysa hintayin pa nating may magsabi sa ating mali tayo pagtanda natin. Sayang ang oras na wala tayong ginawa, kaya kung wala kang ginawa noon, wala kang karapatang magreklamo ngayon, parang add lang ng eleksyon di ba?
Balik sa totoong buhay
Marami talagang mga bagay na pwedeng dugtungan ng mga what-ifs, mas lalo na sa nakaraan. Tulad ng "what if kung nag-aral ako ng exam" o kaya "what-if kung nakapagtapos ako ng pag-aaral?" Pero malinaw sa atin na maraming tao ang walang what-ifs sa kanilang buhay. Ito yung mga taong nanindigan sa kanilang mga prinsipyo, pinatunayan ang ideals nga ay bulletproof dahil kahit tinamaan man sila ng bala, ang kanilang paniniwala ay nanatiling buhay at walang latay. Tulad na lang nila Gandhi at Bonifacio. Pinatunayan nila na ang paniniwala nila ay totoo na hindi na sila nangailangan ng mga taong magiging meat shields nila para maging bulletproof sila. Pinatunayan nila ang kanilang paniniwala ay tama na hindi yumayapak sa dangal ng taong nasa paligid nila. Ginamit nila ang kanilang oras sa pagpapalaganap ng kanilang paniniwala, pagsasabuhay nito. Nakakatawa di ba? Wala tayong madugtong na what-ifs sa mga taong ito, dahil ginawa nila ang tama ayon sa kanilang sariling prinsipyo at paniniwala. Parehas din sila ng lalaking nakatayo ng hubad, na nabukas ang mga bisig sa katotohanan.
Kaya mga bata, ang time space warp ay para sa mga monsters lang. Kaya pumasok na lang tayo sa butas ng panahon ni Takure at matuto sa mga mali at tama ng kahapon, para magamit sa kasalukuyan..
***********************************************************************************
Mga Pahabol na salita mula sa manunulat:
Ang mga likahang ito ay batay sa magulong mundo ng Los Banos, ang mga tao, paligid, lalo na pag-naulan. Ang manunulat ay nasayahan sa pagsusulat nito nung umuulan at malamig ang panahon o kaya naman ay pagmay nakatapat na electric fan na naka number 3 ang setting.
Mapapansin sa unang likha na walang pangalan ang kapreha ni Teta, dahil sa kadahilanan na ang kaparehang nabanggit ay bukod tangi sa lahat. Pangalawa, di rin binigyan ng manunulat ng kasarian si Teta, kaya hulaan niyo na lang.
Sa huling likha, salamat sa Bandai sa pagproproduce ng Shaider at sa Toei animation sa paglikha ng animationg ng Takure. At gusto ring ipahiwatig ng manunulat na mas gusto niya pa rin ang Shaider kaysa Zaido.