Sunday, January 9, 2011

Manong, pasakay nga?

Ito ay mga lathalin bunga ng pag sakay at baba sa mga pampublikong sasakyan, mga rides sa perya (na nakakatakot) at amusement park. Kung saan makikita ang usad ng buhay, taas man o baba, pasikot-sikot man o sa malalim na baha. Ito siguro ang buhay ayon sa pag sakay sa agos ng buhay.

Manong Pasakay nga? Pangatalong lathain ni
Michael Alianza


~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~


Chapter 1: PNR

Pssssshhhhh....


Pumasok ako sa bagong tren ng PNR. Sinalubong ako ng malamig na hangin mula sa loob. Maluwang ang pasilyo, maayos ang upuan, may hawakan para sa mga taong nakatayo. Malayo sa kinukwento ng mga magulang ko tungkol sa lumang PNR.

Whiiirrrrr


Sabay tutok sa akin ng aircon. Malamig na hangin, masarap sa pakiramdam...

At habang umuusad ang tren, napansin ko sa bintana ang mga bakas ng mga taong tumira sa mga baring-barong, ang mga nakadikit na larawan, tira-tirang mga poste ng kanilang bahay. mga pagtatapat ng pag-ibig sa isa't.

Isang pagtatapat ng pag-ibig sa pader.... Makulay, pero kupas at tila napaglumaang marka ng isang nakaraang ayaw malimutan. Di ko alam kung bakit, pero napatitig ako sa guhit at pintura sa pader. Simple lang ang pagkakaguhit nito, makapal ang mga linya at letra, nasa tapat ng isang hagdan. At sa tuktok ng hagdan ay isang larawan ng kagubatan. At ito ay nasa loob ng pinakamaliit na tira ng barong-barong sa buong byahe.

At sa pagtuloy ng tren palayo, inikot ko ang ulo ko palayo sa larawan, inisip ang nakaraan nito, ang importansya nito sa pamilya o sa mga taong tumiro sa pinakamaliit na barong barong na iyon. At sa di matigilang pag -alaala sa nakaraan, nasulyapan ko ang isang imahe ng nakalipas ng aking kaibigan.


JaS <3 Trish

Ito ay nakapaskil sa isang kanto ng isang maliit ng corkboard sa inuupuhang kwarto ni Yas. Pinalilibutan ang paligid ng corkboard ng mga larawan ng mga bulaklak na kung tawagin ni Yas na kakikayan ng Krish. Na habang sinasabi niya ang mga katagang yun, mapapansin mo sa kanyang mga mata ang liwanag ng pag-asa at kaligayahan. Ang pag asang ang relasyon na ito ay madadala sa susunod ng hakbang ng pag-aaral. At ang kaligayahan na may babalikan siyang lugar ng pagmamahal.

Pero tulad ng guhit na nakita sa tren; ito ay napaglumaan, napabayaan.

Sa di mapaliwanag na kadahilanan, hiniwalayan ni Krish si Yas, sakto bago simulan ni Yas ang medisina. At ang dating pag-asa at kasiyahan at napalitan ng kalungkutan at kadiliman. Sinubukan ni Yas na ibalik ang nakaraan, naki-usap, nagmaka-awa, nag sumamo, nabigo.

At tulad ng mga marka sa pader, ang mga bakas ng nakaraang pagtatapat ng pag-ibig ay nagmistulang puntod ng nakaraan, marka ng dating pag-asa at kaligayahan. Mga bagay na natira at napag iwanan.

Nasaan na ang corkboard? Di ko alam, pero ang alam ko, nakaraan na lamang siya na makikita ng ibang taong dumadaan sa kasalukuyan, naiwanan, natapon, binabaon sa limot. Pero sa makakikita nito, ano ang makikita nila? Ang nakadikit sa corkboard o ung magagamit na corkboard? Di natin alam, di ko na rin alam, pero ito ay nakaraan na.

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Chapter 2: Chubibo

"Tila ba ako ay namulat, mula sa aking pagkakahibang;
Sa iyo giliw ko ako ay walang halaga...."
Gatilyo, Paramita

Yan ang tumutugtog sa MP3 player kong naghihingalo... Sakto, tsamba, na ito rin ang nararamdaman ko mula sa pinaka huling kong subok sa panliligaw. Ganun din tulad ng dati, nagsimula sa kaibigan, tinago, nagparamdam, nung malaman... Binasted.

Ilang beses na 'tong paulit ulit, tila bang asa chubibo ka; na un at un lang ang nakikita
mo, pero minsan tumataas ka o bumababa; pero pa-ikot ikot ka lang, walang pinatutunguhan.

"At hahamakin ang lahat makapiling ka lang
At di na 'kong aasa pang iibigin mo sinta.."
Gatilyo, Paramita

Yan din ang sinabi ko nun, pero napansin ko na wala ng patutunguhan ang pagpilit sa ayaw. Paglalo kong pinatagal ang pagsakay sa chubibo na ito, lalo lang akong masasaktan, lalo lang akong magmumukmok sa pwesto ko sa chubibo na tumigil na sa baba, na di na tumaas pero tuloy tuloy pa din ang pag-ikot. Kaya sigurong mas maganda nga yung gulong bilang modelo ng buhay; kung s'an, basta habang tumutuloy ang pag usad mo sa daan, tataas at baba ka. Di ka maiiwan sa iisang pwesto, di ka mapapako sa ilalim na tila bang doon na lang ang mundo mo iikot.


"Pag ibig ko'y iyong sasayangin,
Kay tagal kong nag tiis.. Kay tagal..."
Gatilyo, Paramita

Di naman siguro ako ganun katagal nag hintay pero na-isip ko na kung ano man ang mai-aalay ko, masasayang lang sa isang taong nakatingin na sa iba, kung baga hindi ka lumalabas sa kanyang natatanaw sa malayo o tila bang hindi ka pwedeng maging parte ng kanyang mga pangarap sa ngayon. Pero ano nga naman ako sa buhay niya na hingiing maging parte ako nun, di ba? Ano ba ako sa kanya? Hindi ko un natanong ng diretso sa kanya lalo ngayong marami akong iniisip. Nagpakasubsob na lang ako sa trabaho tulad ng dati at nangarap na sana maging OK na lang ang lahat pagnatapos ko ang trabaho. Malas lang, hindi.

Kaya ayun, kahit gaano man kaganda ung nakikita ko sa chubibo, kahit paikot-ikot lang na
sakit ito, kailangan ko ding bumababa at tumanda. Pasalamat na lang ako na kahit pa-paano
natuwa ako at natuto sa isang chubibo.

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Teaser ng pangatlong compilation ko ng short stories, na sana matuwa kayo at ma-engganyo. May tatlo pang storyang di pa tapos na ida-dagdag dito, kaya unting hintay lang at mag iwan ng inyong komentaryo, para sa ikabubuti ng aking pagsusulat. :)

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~